LOVE AT FIRST DROP-OFF (Ang Special Instruction ng Puso Ko)
Si Jigs ay isang masipag na delivery rider. Ang motor niya ay medyo luma na, ang helmet niya ay gasgas, pero ang ngiti niya—pang-toothpaste commercial. Sanay siya sa init, ulan, at traffic. Para sa kanya, trabaho lang ito. Hatid pagkain, kuha bayad, uwi.
Hanggang sa matanggap niya ang booking mula kay Bella.
Location: Emerald Hills Subdivision (Isang exclusive at napakahigpit na village).
Napabuntong-hininga si Jigs. “Hay, hirap pumasok diyan. Daming arte ng guard. Tapos ang mga customer, ni hindi lumalabas, ipapaiwan lang sa gate.”
Tinignan niya ang “Special Instructions” sa app.
Instruction: “Kuya, paki-double check po kung may hot sauce yung pizza. Please lang, kakabreak lang sa akin ng boyfriend ko. Ito na lang ang magpapasaya sa akin. Wag mo na dagdagan ang lungkot ko.”
Natawa si Jigs. Sa halip na mainis, naawa siya. Dumaan siya sa 7-Eleven at bumili ng isang maliit na chocolate bar gamit ang sarili niyang pera.
Pagdating sa mansion, iniwan niya ang pagkain sa guard house gaya ng protocol. Pero nag-iwan siya ng note sa resibo.
Note ni Rider: “Ma’am, kumpleto po ang hot sauce. Naglagay na rin ako ng Chocnut. Pampatanggal ng pait. Laban lang! – Jigs”
Kinabukasan, nagulat si Jigs. Siya ulit ang na-book ni Bella.
Tinignan niya agad ang Special Instructions.
Instruction: “Kuya Jigs! Ikaw ulit! Salamat sa Chocnut, infairness napangiti ako. Order ko ngayon milk tea. Suggest ka naman ng kanta na pwedeng pakinggan habang umiinom, yung chill lang. Yung di nakaka-bitter.”
Napangiti si Jigs habang naghihintay sa milk tea shop. Nag-type siya sa chat box ng app.
Jigs (Rider): “Ma’am, try niyo po ‘Paraluman’ by Adie. O kaya ‘Binhi’ by Arthur Nery. Relax lang yan. Ingat po sa pag-inom!”
Doon nagsimula ang kanilang “Contactless Romance.”
Halos araw-araw, nag-oorder si Bella. At araw-araw, ang “Special Instructions” box ang nagiging chatroom nila.
-
Monday:
-
Bella: “Kuya, burger naman. Stress sa online class. Pahingi advice, paano ba hindi tamarin?”
-
Jigs: “Isipin niyo na lang po yung tuition fee niyo, Ma’am. De joke lang. Hinga lang malalim. Kaya mo yan, Lods!”
-
-
Wednesday:
-
Bella: “Kuya, umuulan. Wag ka magmadali ha? Okay lang ma-late ang fries, basta safe ka.”
-
Jigs: “Copy po, Boss Madam. Suot ko naman po yung raincoat ko. Salamat sa concern. Nakakataba ng puso.”
-
Habang tumatagal, nahuhulog na ang loob ni Jigs sa babaeng hindi pa niya nakikita. Gustong-gusto niya ang humor nito, ang pagiging simple kausap, at ang appreciation nito sa kanya.
Pero tuwing humihinto siya sa tapat ng dambuhalang gate ng mansyon ni Bella, bumabalik siya sa realidad.
Nakikita niya ang sarili niya sa side mirror ng motor. Pawisan. Amoy araw. Kupas ang jacket.
“Ano ka ba, Jigs,” bulong niya sa sarili. “Langit ‘yan, lupa ka. Tignan mo nga bahay niya, parang mall sa laki. Ikaw, kailangan mo pang magkayod-kalabaw para makabiyad sa renta. Hanggang app lang kayo.”
Dumating ang Sabado. Araw ng mga puso.
Nag-book si Bella. Isang order ng dalawang meal mula sa isang fancy restaurant.
Kinabahan si Jigs. May ka-date na kaya siya?
Tinignan niya ang instruction.
Instruction: “Kuya Jigs… last order ko na ‘to sa app na ‘to.”
Parang binuhusan ng malamig na tubig si Jigs. Aalis na ba siya? Mag-aabroad?
Instruction (Continuation): “Gusto sana kitang makita. Pwede bang wag mo iwan sa guard? Pwede bang… ikaw mismo ang mag-abot sa akin sa gate? Dalawa tong inorder ko. Sabayan mo naman ako kumain oh?”
Nanigas si Jigs sa tapat ng village.
Ito na ‘yun. Ang Face Reveal.
Pero umatras ang kaba niya. Paano kung ma-disappoint si Bella? Paano kung pagkakita sa kanya—isang hamak na rider na madungis—ay bigla itong magbago? Paano kung pandirian siya?
Gusto niyang i-cancel ang order. Gusto niyang ipasa sa ibang rider.
Pero naalala niya ang mga chat nila. Ang tawanan. Ang mga kantang pinag-usapan nila.
Huminga siya nang malalim. Inayos niya ang buhok niya sa salamin ng motor. Nag-spray siya ng kaunting pabango na laging nasa bulsa niya.
“Bahala na. Kung ayaw niya sa akin, at least nagpakatotoo ako.”
Pumasok siya sa village. Huminto siya sa tapat ng gate.
Nag-text siya sa app: “Nandito na po ako sa tapat.”
Bumukas ang malaking gate.
Inaasahan ni Jigs na lalabas ang isang babaeng naka-gown o naka-pambahay na mukhang donya.
Pero lumabas ang isang babaeng nakasuot lang ng maluwag na t-shirt ng bandang Ben&Ben, naka-shorts, at walang make-up. Magulo ang buhok pero napakaganda ng ngiti.
Si Bella.
Lumapit si Bella sa kanya. Hindi ito tumingin sa motor niyang luma. Hindi ito tumingin sa sapatos niyang putikan.
Tumingin ito direkta sa mga mata ni Jigs.
“Ikaw pala si Jigs,” nakangiting sabi ni Bella. “Mas gwapo ka pala sa personal kaysa sa ini-imagine ko.”
Namula si Jigs. Hindi siya makapagsalita. “A-Ah… Ma’am… nakakahiya po… pawisan ako…”
Tumawa si Bella. Kinuha niya ang pagkain sa box ng motor.
“Sus! Arte nito. Pawisan din naman ako kaka-hintay sa’yo,” biro ni Bella. “Tara? Dito na tayo sa garden kumain. At saka… wag mo na akong tawaging Ma’am. Bella na lang.”
Napakamot si Jigs sa ulo, pero hindi niya mapigilan ang ngiti.
“Sige po… ah, sige, Bella. Pero sa isang kondisyon.”
“Ano ‘yun?”
“Ako naman ang magpapatugtog ng music ngayon.”
Nagtawanan sila. Sa hapon na iyon, sa ilalim ng init ng araw, walang mayaman, walang mahirap. Walang rider, walang customer. Dalawang tao lang na pinagtagpo ng gutom, musika, at isang “Special Instruction” na nagbago sa buhay nila.





